Nakapagtapos ng Pag-Aaral ang mga Anak sa Pagiging Seaman
Feb 26, 2014
A retired seaman, proud father of five, and a successful modern Pinoy hero. He is Mr. Eliodoro Ranara, sharing how he maneuvered his journey while working away from his family. May his story inspire you.
Ako po ay isang seaman na nagretired noong nakaraang taon ng 2013. Nag-umpisa akong maging seaman noong 1983. Pero bago ako magbarko, nagtitiis si misis na magbalat ng bawang para maibenta ito sa halagang sampung piso kada isang lata upang makabili kami ng bigas at ulam. Noon po ay nangungupahan lamang kami sa Moriones, Tondo sa isang kapirasong kwarto na walang sariling palikuran. Kwarto na kung saan kumakain kami sa lapag na nagsisilbi namang tulugan namin kapag gabi. Ang silid na ito, mates, ay masasabi kong halos katulad ng mga selda sa city jail.
Nang pinalad akong makapagtrabaho sa isang restaurant sa Makati bilang waiter, lumipat na rin kami ng tirahan. Subalit dahil sa kagipitan, napilitan akong mag-apply bilang isang seaman kahit ako ay walang alam at hindi nakapagtapos ng marine course. Napilitan akong magbarko dahil iniisip ko kung papaano ko makakayang pag-aralin ang lima kong mga anak. Napakahirap at napakalungkot po ang mahiwalay sa pamilya, mates. Tiniis ko ang mga naglalakihang alon para sa kinabukasan ng aking mga anak.
Noong ako ay naging seaman na, nagsumikap ako na makapag-ipon para mabigyan ko ng magandang buhay ang pamilya ko. Si Misis ang tumayong ama at ina ng aming tahanan habang ako ay nasa barko. Sa gitna ng pagtitiis ko sa malalaking alon at lamig sa dagat, lumaki ang aking mga anak na walang ama sa kanilang birthdays at graduations sa school. Sa tulong at awa ng Poong Maykapal, ang aking mga anak, mates, ay nakakatapos rin sa kanilang pag-aaral.
Sila ngayon ay puro professionals na. Ang panganay kong babae ay nakakatapos ng Bachelor of Commerce, ang sumunod naman ay nakakatapos ng Hotel and Restaurant Management, ang pangatlo na lalaki ay nakapagtapos ng BSMarine Engineering, ang ikaapat naman ay nakapagtapos ng BSMarine Transportation at ang bunso ko ay nakapagtapos naman ng BSPhysical Therapy.
Sa kasalukuyan, ang aking mga anak na lalaki ay mga binata pa at kapwa nasa barko. Ang isa po ay 2nd Officer sa isang Japanese car ship company at ang isa ay officer-in-charge sa engine sa VLCC tankers ng isa ding Japanese company. Ang akin pong bunso na babae ay sa Saudi Arabia Hospital nagtatrabaho bilang licensed physical therapist. Tatlong taon na po siya doon.
Sa ngayon, ako po, mates, ay nasa bahay na lang dahil na din sa pagtutol ng aking mga anak na bumalik pa ako sa barko. Ang sabi po kasi nila ay sila na naman daw ang magtrabaho.
Mates, kami po ng aking asawa ay very proud sa aming mga anak. Hindi po sila bumabarkada at wala po silang mga bisyo. Patunay po sa lahat ng ito, nakapagpatayo na po kami ng sariling bahay at nakapagpundar na din kami ng sasakyan.
Bilang pasasalamat sa Poong Maykapal, nagsi-serve ako ngayon kay Lord bilang Special Minister of the Holy Eucharist (lay minister) at member na rin ako ng Knights of Colombus. Sama-sama po kaming sumisimba at tuwing 4:30 ng umaga, sabay-sabay kaming nagrorosaryo bilang pasasalamat sa lahat ng mga biyayang aming natanggap.
Mates, ang hirap ng trabaho sa barko ay napagtitiisan kapalit ng magandang kinabukasan ng pamilya.
Mr. Eliodoro "Kuya Boy" P. Ranara
Former Seaman, Extra Minister of the Holy Eucharist, Ina ng Buhay Parish
Note: Shown in the photos are Mr. Ranara's sons at work.